NAKAPAGTALA ang Department of Health sa Central Visayas ng 141 na kaso ng leptospirosis ngayong taon mula Enero hanggang Agosto 5.
Ang datos ay mula sa Cebu at Bohol, kasama ang highly urbanized cities, saad ni Dr. Jonathan Neil Erasmo, officer-in-charge ng Office of the Regional Director sa Central Visayas.
Ayon sa datos, sa 141 na kasong naitala, 114 ay kalalakihan, o 81%, habang 27 ay kababaihan, o 19%. Nakararami sa nakakuha ng leptospirosis ay mula sa Cebu at Mandaue City, na mga bahaing lugar.
Ang leptospirosis ay isang bacterial disease na nakukuha ng tao sa pamamagitan ng direct contact sa ihi ng infected animals tulad ng daga o urine-contaminated environment tulad ng baha. Ang bacteria ay maaaring makapasok sa sugat ng isang tao o sa mucous membranes ng bibig, ilong, at mata.

















