NAARESTO na ang huling dalawang Persons Deprived of Liberty o PDL na tumakas mula sa Batangas Provincial Jail noong umaga ng Lunes, Hulyo 28, 2025
Bandang alas-siyete y medya ng gabi ng kaparehong araw ay nadakip si alias “Loreto” sa Barangay Salaban Uno, Ibaan, Batangas sa isinagawang hot pursuit operation ng mga otoridad sa tulong ng isang concerned citizen.
Samantala, si alias “Gerald” ay naaresto naman umaga ng Martes sa Barangay Manghinao Proper, Bauan, Batangas.
Sa tulong ng surveillance at paggamit ng drone, natukoy ang lokasyon ng suspek at agad siyang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ng Batangas Provincial Police Office (BPPO).
Nasa kustodiya ngayon ng Bauan Municipal Police Station si alias “Gerald” bago muling dalhin sa Batangas Provincial Jail.
Matatandaang dalawang iba pang PDL na naunang nahuli ng Sto. Tomas City Police Station ay sinampahan na ng kaso — si alias “Dennis” para sa paglabag sa RA 10591 o Firearms Law, at si alias “Michael” para sa pagdadala ng patalim sa pampublikong lugar.
Sa kabuuan, ang lahat ng sampung tumakas na PDL ay balik na sa kustodiya ng mga awtoridad at nahaharap sila sa karagdagang mga kaso.
Pinuri ni PBGEN Jack L. Wanky, Regional Director ng PRO CALABARZON, ang mabilis na aksyon ng pulisya at pakikiisa ng mamamayan sa operasyon.



















