NADAKIP ng Special Action Force (SAF) ang bomb maker ng teroristang grupo na Dawlah Islamiyah- Hassan Group matapos ang ikinasa nitong magdamag na operasyon sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Kinilala ang suspek na si JB Mastura na kilala rin sa pangalang Abu Naim na No. 9 Most Wanted Person sa listahan ng 4th quarter ngayong taon at kinumpirma ring eksperto sa paggawa ng improvised explosive device.
Pahayag ni PLt.Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., naaresto ng mga personnel ng SAF ang nasabing wanted person matapos ang limang oras na operasyon.
Narekober sa hideout ng suspek ang improvised explosive device na hinihinalang gawa rin nito.
Sa bisa ng warrant, ang nasabing akusado ay nahaharap ngayon sa mga kasong multiple murder, destructive arson, at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 202 na may rekomendasyong no bail.
Sa ngayon, ang naarestong suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at inaasahang haharap sa Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City para sa 3 warrant na inisyu sa kanya.




















