BATANGAS at QUEZON — Arestado ang apat na kalalakihan, kabilang ang isang Chinese national, sa magkahiwalay na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon noong Oktubre 6, 2025. Nakumpiska sa kanila ang tinatayang ₱15.1 milyong halaga ng umano’y iligal na produktong petrolyo at sigarilyo.
Batay sa ulat na nakarating kay PMGEN Robert AA Morico II, alas-11:50 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng CIDG Batangas Provincial Field Unit sina “Ed,” “Sam,” at “Sid” sa isang gasolinahan sa Balete Road, Brgy. Balagtas, Batangas City. Ang mga ito ay nasangkot umano sa ilegal na bentahan at distribusyon ng produktong petrolyo o tinatawag na “paihi,” na labag sa Presidential Decree 1865.
Nasamsam mula sa operasyon ang dalawang fuel tanker truck na naglalaman ng 26,000 litro ng diesel, 10,000 litro ng unleaded, at 4,000 litro ng premium gasoline na may kabuuang halaga na ₱9,144,000.00.
Sa parehong araw, mula 11:30 ng gabi ng Oktubre 6 hanggang 4:50 ng madaling araw ng Oktubre 7, nagsagawa naman ng buy-bust operation ang CIDG Regional Field Unit 4A–Special Operations Team, kasama ang CIDG Quezon Provincial Field Unit, PMFTC Inc., BIR, at Lucena City Police Station sa Brgy. Dalahican, Lucena City.
Naaresto ang suspek na kinilalang si “Joseph,” isang Chinese national, dahil sa umano’y pagbebenta ng mga iligal na sigarilyo. Lumalabas na nilalabag nito ang mga batas kabilang ang Republic Act No. 8293 (Intellectual Property Code), RA 10643 (Graphic Health Warnings Law), RA 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003), at RA 8424 (National Internal Revenue Code).
Nakumpiska mula sa kanyang bodega ang 95 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo gaya ng Marlboro, Marshal, H&P, Carnival, Cannon, Xplore Blue, Modern King, HP, Fortune, Chesterfield, Champion, at Mighty na may tinatayang halagang ₱6,036,400.00.
Ayon sa CIDG, ang serye ng mga operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng pamumuno ni Acting PNP Chief, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., laban sa mga ilegal na kalakalan at kriminalidad sa bansa.

















