NAGPAPAGALING sa ospital ang isang pulis na nasugatan matapos saksakin sa mata ng isang lalaki na kanyang aarestuhin sa Santa Catalina, Negros Oriental.
Batay sa pulisya, sinabing aarestuhin ng pulis ang 35-anyos na suspek sa isang hot pursuit operation nitong Miyerlules ng gabi sa Barangay Milagrosa dahil sa kinasangkutan nitong insidente ng pananaksak sa isang babae.
Pero nang aarestuhin na ang suspek, nakahawak ito ng matalas na bagay na isinaksak niya sa mata ng pulis bago tumalon sa bintana at tumakas.
Kaagad na dinala sa ospital ang pulis na may ranggong Executive Master Sergeant, at residente sa bayan ng Zamboanguita.
Nadakip naman kalaunan ng ibang pulis ang suspek na nagtago sa isang ilog.



















