TIMBOG ang isang lalaki na kabilang umano sa pumaslang sa isang barangay kagawad nang matunton ito sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.
Ang pagkakaaresto sa 40 anyos na akusado ay nag-ugat makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Northern Police District (NPD) hinggil sa pinagtataguang lugar nito sa Caloocan.
Napag-alaman na ang nadakip ay nakatala bilang No. 1 sa Top Ten Most Wanted Person ng Valenzuela City Police at kabilang umano sa mga suspek sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa lungsod noong 2022.
DAkong 4:30 ng hapon nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng DMFB ang akusado sa Zabarte Road, Phase 1, Barangay 176-A, Caloocan City.
Ang akusado ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Article 248 of the Revised Penal Code (Murder) na ipinalabas ng Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 284, noong December 2, 2022 na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, hinihintay na lang ang commitment order mula sa korte upang tuluyang ikulong ang akusado sa city jail.



















